Bumukas ang aking mga mata
sa kalatog ng mga kaldero.
Liningon ko ang huli kong katabi kagabi.
Naroon pa siya. Napangiti ako.
Naaamoy ko pa sa kanyang hininga
ang binalasa naming erbi.
Gusut-gusot ang kumot—
siguro inukit niya roon ang kanyang lungkot
habang ako'y natutulog.
Maingat ko iyong itinakip
sa hubad niyang balikat.
Gusto ko siyang itali sa aking yakap,
gusto ko siyang ikandado sa aking mga halik;
ideklarang akin siya.
Ngunit ang puso ko ay isa lang sa mga bato
at ang puso niya ay tubig na umaagos
sa sanga-sangang mga ilog ng mundo.
Kininis niya ako pero hindi siya mananatili
para gawin akong diyamante
kahit ipagpilitan ko ang aking sarili
para baguhin ng mga kamay niya.
Nagliyab ang kurtina sa puluhan ng aking kama
pero hindi niya iyon nakita.
Kaya't lihim ko siyang binulungan
ng "Isinusuko ko sa iyo ang tiwala ko."
baka sakaling dito na siya mananghalian.
Baka sakaling maisip din niya bago siya umalis
na iwan ako ng kasiguruhan,
kahit pabiro lang, na ako'y kanyang babalikan.
Kilala rin na Makoy Dakuykoy si Mark Angeles. Noong 2006, siya ay naging fellow sa Tula ng magkasunod na IYAS at Iligan National Writers Workshop. Naging finalist ng Maningning Miclat Poetry Awards at nagtamo ng unang gantimpala sa Haruki Murakami Essay Writing Contest (ng The Japan Foundation, Manila) ng sumunod na taon. Ang One Night Only ay nasa Patikim, ang unang libro ni Makoy na isang koleksyon ng mga love poems. Sa mga interesado, hanapin ang Facebook fanpage na Patikim ni Makoy.